Ebanghelyo: Juan 11:45-56
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. Pumunta naman sa mga Pariseo ang ilan sa kanila at sinabi ang mga ginawa ni Jesus.
Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.”
At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.”
Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punong-pari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na lantarang naglibot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad.
Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?”
Pagninilay
Nabahala ang mga Pariseo at mga punong pari nang binuhay muli ni Jesus si Lazaro sapagkat marami ang nakakita nito at naniwala kay Jesus. Dahil dito, nagtipon at nagbalak silang patayin Siya. Nagpropesiya si Caifas na punong pari na mamamatay si Jesus di lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos. Ito ang Missio Dei, ang misyon ng Diyos na maging isa ang lahat. “…pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo” (Efeso 1:10). Si Jesus ang nagsilbing alay upang matupad ang layuning ito ng Diyos. Ang tungkulin ng simbahan ay ang pakikipagdiyalogo at ang pagiging saksi ni Jesus. Hindi lamang pagpapaniwala sa iba ang misyon ng simbahan kundi ang pagiging saksi sa pag-ibig ng Banal na Santatlo upang sila’y manampalataya at maging kaisa ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023