Ebanghelyo: Mateo 21:33-43, 45-46
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.” At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito. Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.
Pagninilay
“Pinaghirapan ni Kristo, para mabuo sa pag-ibig at pagkakaisa.” Ang ating Diyos ang may-ari ng ubasan, at tayo ang mga magsasakang ipinagkatiwala nito. Sakop ng ubasan ang ating pamilya, ang ating komunidad, ang ating mga kaibigan at kakilala, ang ating trabaho, at ang bawat aspeto ng buhay na may kaugnayan sa atin. Bilang katiwala, inaasahan na tayo’y maging masipag, matiyaga, gumawa, at magsumikap upang magbigay ng mga magaganda at matatamis na ubas. Bilang piling “magsasaka”. inaasahan sa atin na maging bukas-palad tayo at mapagmahal, at huwag kalimutan na hindi tayo ang may-ari, kundi tayo’y katiwala lamang. Paano naitayo ng tunay na may-ari ang ubasan? Binakuran, hinukay, at tinayuan. Sa madaling salita, pinaghirapan. Naranasan ko din ang magsimula ng sakahan: dahil pinagpawisan namin ang pagbubuo ng bukid. Ito’y naging napakahalaga sa aming puso. Hindi namin nabili na gawa na, kundi kamay namin ang nagyaman at gumawa. Tayo rin, ang Simbahan, ay pinaghirapan ni Kristo, para mabuo sa pag-ibig at pagkakaisa. Kaya mahal na mahal tayo ni Jesus; isipin mo na buhay niya ang inialay para sa atin. Ano kaya ang magandang bunga na maiaalay mo sa Panginoon ngayong araw na ito?
© Copyright Pang Araw-araw 2025