Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.
Pagninilay
“Ang krisis ay parang apoy na nagpapalinis.” Sa mga unang kabanata ng
aklat ni Isaias, nagpahayag ang dakilang propeta ng babala sa mga hari tungkol sa darating na hatol. Paghihimagsik, idolatriya, at kawalan ng katarungan ang umiiral sa mga kaharian, kaya may darating na apoy na magpapalinis sa kanila. Pero, may pag-asa naman: magkakaroon ng Bagong Jerusalem kung saan magmumula ang katarungan at kapayapaan para sa lahat ng bansa. Ang mga problema at pagsubok sa buhay ay hindi mawawala. Sila’y parang apoy na magpapalinis. Sadyang magkakaroon din tayo ng mga krisis. Ang salitang “krisis” ay nagmumula sa isang Griyegong termino na nangangahulugang “paghatol” o “pasya”. Sa krisis, tayo’y nagpapasya kung anong dapat nating tanggalin sa buhay, para manatili kung ano ang maganda at kanaisnais, at magbigay din ng lugar para sa mga bagong kasanayan at gawain. Ang krisis ay parang apoy na nagpapalinis. Pagdumaan dito, talagang magbabago tayo. Kung ang ating asal ay positibo, tayo ay gagaling; pero kung puro tayo reklamo lang at may sama ng loob, hindi talaga makakatulong ang krisis at lalo tayong magiging kawawa. Pag-ibayuhin natin ang pag-asa at ipagdasal ang grasya ng kababaang- loob. Tandaan, itinataas ng Diyos ang nagpapakababa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025