Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
Kaya, ganito kayo manalangin:
Ama naming nasa Langit,
sambahin ang Ngalan mo,
dumating ang Kaharian mo,
sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
patawarin mo ang aming mga pagkakautang
gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang
sa amin.
Huwag mo kaming dalhin sa tukso,
at iligtas mo kami sa Masama.
Kung patatawarin ninyo ang mga
nagkasala sa inyo, patatawarin
din kayo ng inyong Amang
nasa Langit. At kung
hindi ninyo patatawarin
ang mga nagkasala
sa inyo, hindi rin kayo
patatawarin ng inyong
Ama.
Pagninilay
Ang Ama Namin ang pinakamahalagang panalangin ng isang kristiyano dahil si Jesus mismo ang nagturo sa atin. Sa unang yugto ng panalangin na ito, sinasamba natin ang Diyos; sa pangalawang yugto, humihingi tayo ng pangpisikal, na ito’y pagkain; pagkatapos, humihingi ng tawad, at sa pangwakas, nagsusumamo tayo ng kalusugan para sa ating espiritu.
Ang Ama Namin ay hindi pangpersonal na panalangin, hindi natin sinasabi na “Ama ko”. Sa halip, ang sinasambit natin ay Ama Namin. Ito ay ang panalangin ng isang komunidad na marunong magpatawad sa isa’t isa. Tayo’y nagdarasal: “Patawarin mo kami sa aming mga sala, sapagkat pinatatatawad namin ang mga nagkakasala sa amin.” Hindi natin sinasabi: Panginoon, patawarin mo ako para ako rin ay magpatawad, kundi, Panginoon, patawarin mo ako sapagkat, ako’y nagpapatawad na. Ang ating pagiging mapagpatawad ay kondisyon para tayo’y patawarin. Alam natin na hindi ito madaling gawin, pero hindi rin imposible.
Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos. Sa ating paglapit sa sakramento ng pangungumpisal, isama rin natin ang pagpapasya na patawarin din natin ang mga nakagawa sa atin ng kasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025