Ebanghelyo: Lucas 4:1-13
Umalis mula sa Jordan si Jesus na puspos ng Espiritu Santo at naglibot sa disyerto na akay ng Espiritu sa loob ng apatnapung araw; at sinubok siya roon ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa loob ng mga araw na iyon at sa katapusa’y nagutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo: “Kung ikaw ang anak ng Diyos, iutos mo sa batong ito na maging tinapay.” Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao.”
Pagkatapos ay itinaas niya si Jesus at ipinakita sa kanya sa isang kisap-mata ang lahat ng kaharian sa mundo. Sinabi ng diyablo sa kanya: “Sa iyo ko ibibigay ang kapangyarihan sa lahat ng ito at ang kaluwalhatiang kalakip nito dahil sa akin ito ipinagkatiwala at maibibigay ko ito sa maibigan ko. Kaya mapapasaiyo itong lahat kung magpapatirapa ka sa harap ko.” Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Ang Panginoon mong Diyos ang iyong sasambahin at siya lamang ang iyong paglilingkuran.”
Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa Jerusalem at itinayo siya sa nakausling pader ng Templo at sinabi sa kanya: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula rito paibaba sapagkat sinasabi ng Kasulatan: Iniutos niya sa kanyang mga anghel na pangalagaan ka at bubuhatin ka nila para hindi matisod ang iyong paa sa bato.” Ngunit sumagot si Jesus sa kanya: “Nasasaad: Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.”
Kaya matapos siyang subukin ng diyablo sa lahat ng paraan, nilisan siya nito hanggang sa takdang panahon.
Pagninilay
Pagkatapos ng kanyang binyag nagpunta si Jesus sa desyerto kung saan nagdasal at nagmuni tungkol sa kanyang misyon at ministeryo, at noon tinukso siya ng diyablo. Maaaring may matutunan tayo sa bawat sagot ni Jesus. Sa unang tukso, winika ni Jesus na hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao. Kung laging magbibigay si Jesus ng pagkain sa mga tao, tiyak na may susunod sa kanya at magiging madali ang kanyang ministeryo. Makikita natin ito sa Pagpaparami ng Tinapay: gusto nila noong gawin hari si Jesus! Pero mas mahalaga pa rin ang patuturo kaysa pagpapakain lamang.
Pagkatapos, winika ni Jesus na ang Panginoon lamang ang ating sasambahin at paglilingkuran. Kung may kapangyarihan at kayamanan si Jesus, madali rin siguro ang pagpaparami ng mga susunod sa kanya. Pero luluhod Siya sa harap ng diyablo, at hindi ito tama. May kasabihan sa wikang ingles: The end does not justify the means. Pagnilayan natin sa sarili natin kung mas pinipili natin gumawa ng mga short-cuts, o ibang bagay na hindi tama, dahil iniisip natin na mabuti naman ang kalalabasan.
Pangatlo, binanggit ni Jesus na nasasaad na huwag natin hamunin ang Diyos. Sa bandang huli, ginamit ng diyablo ang Biblya upang tuksuhin si Jesus! Tayo kaya, ginagamit din natin minsan ang Salita ng Diyos upang bigyan katuwiran ang mga pansarili o makasarili nating gawa at kahilingan? O kaya, inaabuso natin ang pag-ibig ng Diyos at hinahayaan ang sariling magkasala, habang sinasabi natin na: ikukumpisal ko naman ito at patatawarin ako ng Diyos. Pagnilayan din natin ito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025