Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.
Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitangtao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Sa unang araw ng Panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayong magnilay: Una, tungkol sa paglilimos o pagkakawanggawa; Pangalawa, tungkol sa pananalangin; at Pangatlo, tungkol sa pag-aayuno o pagsasakripisyo. Nakakatulong ang mga gawaing ito sa ating espirituwal na buhay, bilang mga Kristiyano.
Sa Panahon ng Kuwaresma, binibigyan tayo ng apatnapung araw upang ihanda ang ating sarili at alalahanin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon. Sa Bibliya, ang numero na kuwarenta ay simbolo ng pagbabago: Umulan sa loob ng apatnapung araw nang panahon ni Noah nang nagkaroon ng isang Malaking Baha; nanatili si Moises ng apatnapung araw sa Sinai nang tinanggap niya ang Sampung Utos; at nag-ayuno si Jesus sa loob ng apatnapung araw sa ilang, bago simulan ang kanyang ministeryo.
Sa mga panahong ito, nawa’y maging makabuluhan ang mga pagkakawanggawa, pananalangin at pagsasakripisyo na isasagawa natin upang higit nating mapapalalim ang pakikipag-ugnayan at pagkakakilala natin sa Panginoon. Sa ganitong paraan, matiyak natin ang pagbabago ng ating puso, makapagsimula muli tayong maglingkod bilang mga alagad, at magbalik- loob sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025