Ebanghelyo: Lucas 2:22-40 (o 2:22-32)
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang magalay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika;pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pagiisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.” May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pagakyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay
“Si Jesus ay naging liwanag at luwalhati.” Noong dinalaw ng mga Pantas ang Sanggol sa Bethlehem, naganap ang unang Epipanya – ang “Pagpapakilala ng Panginoon.” Ngayon Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo, naganap ang isa pang Epipanya. Ipinakilala sa atin si Jesus bilang ang Liwanag sa mga bansa. Ang Kapistahan ng Candelaria, o “Candlemas” sa wikang ingles, ay pagkakataon upang tanggapin si Jesus bilang Liwanag sa buhay ng bawat isa. Sa awit ni Simeon, dinadasal ng matanda na ang Sanggol ay “liwanag na ibubunyag sa mga bansang pagano at luwalhati ng bayang Israel…” Si Jesus ay naging liwanag at luwalhati, una sa lahat, sa buhay ni Maria at Jose. Sila’y pinili ng Diyos para sa isang napakataas na misyon. Sa ebanghelyo ngayon, mamamalas natin ang kanilang kababaang-loob sa kanilang pagpunta sa Templo, upang sundin ang mga alituntunin ng kanilang relihiyon. Naging tapat sa mga dakilang bagay, dahil naging tapat din sa mga maliit na bagay. Gayun din naman, si Jesus ay naging liwanag at luwalhati para kina Simeon at Ana. Sila’y na nagtiwala sa mga pangako ng Diyos, naging masunurin sa Espiritu Santo, at nagbigay saksi tungkol sa Mesiyas. Sa buhay natin, paano si Jesus nagiging liwanag at luwalhati? May “mga sulok” ba sa buhay natin na nananatili pa sa kadiliman, at hindi nasisinagan ng liwanag ni Jesus? Magandang tradisyon ang pagdadala ng mga kandila sa simbahan para ito’y basbasan; maging tanda sana ito na tanggapin natin si Jesus bilang liwanag ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025