Ebanghelyo: Marcos 2:1-12
Pagkaraan ng ilang araw, pumasok siya sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”
Pagninilay
“Naging instrumento sila ng Diyos.” Naging inspirasyon ko noon pa ang mga taong binabanggit sa ebanghelyo na nagdala kay Jesus ng isang paralitiko. Nagkaroon ng himala sa pamamagitan ng kanilang kasipagan at tiyaga. Hindi ba kaya sila modelo ng social action o charity works ng Simbahan? Sila’y naging masipag at gumawa ng paraan upang tulungan ang may kapansanan at ilapit siya kay Jesus. Hindi sila ang nagpagaling sa may sakit, kundi ang Panginoon. Pero naging instrumento sila ng Diyos upang may matulungan. Sinabi pa ng mga naging saksi ng himala: “kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.” May evangelizing power ang pagpapagaling sa may sakit: may natulungan sa konkretong paraan, at naging tandang kapangyarihan ng Diyos ang nangyari. Ito rin sana ang layunin ng charity works ng Simbahan, o mga outreach programs sa mga mahihirap ng ating mga samahan: makatulong sa konkretong paraan sa pamamagitan ng pagpapakain, pagpapagaling, pagtuturo, pabahay, pahanap-buhay, at maging tanda rin sana ito ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan. May evangelizing power din ang ating mga gawain kung ginagawa natin ito para Diyos at para sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025