Ebanghelyo: Lucas 5:12-16
Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap sa kanya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Kaya iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki. Iniutos sa kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao para makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumupunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.
Pagninilay
“Gusto ko, luminis ka.” Noong panahon ni Jesus, itinuturing ang mga may ketong na pinarusahan ng Diyos, marumi at hindi karapat-dapat na lumahok sa mga rehiliyosong gawain. Kaya’t ang mga taong nakaranas ng sakit na ito ay itinakwil maging ng kanilang mga kapamilya at kaibigan. Bukod sa impeksyon at pisikal na pasakit na dala nito, dumagdag din sa kanilang suliranin na walang gustong mag-abot sa kanila ng tulong at ang feeling of rejection. Ang kanyang pagsamo ay isang magandang ejaculatory prayer, na maaaring ulit-ulitin natin habang inilalagay natin ang sarili sa kalagayan ng taong ketongin, na naghihintay ng habag galing kay Kristo. Sino sa atin ang hindi nakaranas ng sakit sa katawan, o ang maging ikinakwil. Marami pang pangungusap o bersikulo na maaaring maging dasal kapag lagi nating inuulit, katulad ng “Jesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin” (Lk 18, 37), o kaya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat, nalalaman mong iniibig kita” (Jn 21,17). Ang mga panalanging ito ay mga maikling dasal na paulit-ulit na binabangit katulad ng isang mantra, habang na kay Kristo ang ating puso’t isipan. Kay Jesus, tayo’y hindi mabibigo sapagka’t sa Kanyang mga labi magmumula ang isang matamis na ngiti at pagsambit ng katagang, “Gusto ko, luminis ka”.
© Copyright Pang Araw-araw 2025