Ebanghelyo: Lucas 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay
“Aalalayan niya ang mga dukha at walang inaasahan.” Inangkin ni Jesus ang hula ni Propeta Isaias (Is. 61:1-2) na binasa Niya sa sinagoga. Si Isaias noon, at si Jesus ngayon, ay nagpahayag ng Hubileyo o Taon ng Kabutihang-loob ng Panginoon. Noon, tuwing ikalimampung taon, ipinagdiriwang ng mga Israelita ang Jubilee Year (Leb. 25:10); ito ay taon kung saan binibigyang-kalayaan ang mga api, at pagbabalik sa bawat isa ng kanilang karapatan. Binigyang-liwanag ni Jesus sa simula ng kaniyang ministeryo kung ano ang magiging prayoridad niya bilang guro; sa tulong ng Espiritu Santo aalalayan niya ang mga dukha at walang inaasahan. Ngayong taong 2025, ipinagdiriwang din natin ang Jubilee Year, na may temang Pilgrims of Hope. Pagkakataon ito upang pagnilayan ang kahulugan ng “pag-asa” at kung paano ito magiging mabisa sa ating buhay sa konkretong paraan. Mahalaga rin sa taong ito ang pagkakawanggawa at ang kapatawaran. Sa tulong ng Espiritu Santo, nawa’y maging daan din tayo ng pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025