Ebanghelyo: Jn 1: 1-18*
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyangkakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. (…)
Pagninilay
Tayo’y nasa huling araw na ng taon. Sa loob nang mga nagdaang mga linggo, nakasama natin ang Panginoon sa pananalangin at pagninilay. Tayo’y Kanyang pinagkalooban ng grasya at sapat na pagpapala upang mapagtagumpayan natin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay. Sa pagtanggap natin sa Salita ng Diyos, at habang binabasa at isinasabuhay natin ito sa araw-araw, tayo ay nagkakaroon at bumubuo ng isang hindi masisirang ugnayan sa Diyos. Ito’y nagdudulot upang maunawaan natin natin kung ano ang Kanyang kalooban at matupad ang layunin at hinahangad natin sa buhay. Ang Panginoon ay malapit sa atin kapag tayo ay tumatawag sa Kanyang pangalan sa katotohanan. Sa pagtatapos ng taon, nawa’y iwan natin ang anumang bagahe na pumipigil sa atin na mahalin at paglingkuran ang Diyos. Baonin natin sa susunod na bagong taon ang mga mabubuting aral na ating natutunan. Salubungin natin ang bagong taon ng may pananampaalataya, pag-asa at pag-ibig. Sabi nga sa isang kasabihang aking nabasa, Faith makes everything possible. Hope makes everything work. Love makes everything beautiful. Manigong Bagong Taon sa Inyong Lahat!
© Copyright Pang Araw-araw 2024