Ebanghelyo: Jn 1: 1-18*
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita,at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyangkakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan.(…)
Pagninilay
Ang Araw ng Pasko ang itinuturing na pinakamasayang araw sa kalendaryo. Ito ang panahon kung saan ang mga tao ay nagsasama-sama bilang isang pamilya, nagsasalosalo sa masaganang handa at nagbibigayan ng mga regalo bilang pagbabahagi at pagmamahal sa isa’t-isa. Sa kabila ng mga nabanggit na dahilan, huwag natin kalimutan kung sino ang pinaka-PUSO ng pagdiriwang ng Pasko – si Jesus, ang Salita. Sa pagpanaog at pagkakatawang-tao ng Diyos, sumapit sa ating lahat ang kaligtasan. Ang Pasko ay maituturing na araw ng Pamilyang Pilipino. Panahon upang makasamang muli ang ating pamilya at mga mahal sa buhay, upang muling patatagin, buhayin at paigtingin ang ugnayan ng bawat isa. Sa pagsasalo-salo natin at sa pagbabahagi ng mga regalo, nawa’y makita natin ang kahalagan ng pagiging bukas-palad at pagabot sa ating mga kamay sa mga nangangailangan. Higit pa sa mga pagkain o materyal na bagay na maaari nating ibahagi, mas mahalaga na maibahagi natin ang pagmamahal, pagmamalasakit, at pangunawa natin sa kapwa. Maligayang Pasko at nawa’y mapuspos tayong lahat ng Pag-ibig ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2024