Ebanghelyo: Lc 1: 39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo, dinalaw ni Maria ang kanyang pinsang si Elizabeth, na bukas-palad na tinanggap siya sa kanilang tahanan. Nang marinig ni Elizabeth ang tinig ni Maria, sumikad ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuspos siya ng Espiritu Santo. Sa buhay natin, dinadalaw rin tayo palagi ng Diyos, lalo na sa mga panahong tayo’y mahina, dumadaan sa matinding pagsubok, at nangangailangan ng tulong at gabay. Sa mga ganitong panahon, nawa’y tularan natin si Elizabeth. Binuksan niya ang pinto ng kanyang puso upang patuluyin at tanggapin ang Diyos. Ganun din sana tayo,buksan natin ang pinto ng ating puso at patuluyin natin ang Diyos upang Siya’y manahan sa ating buhay. Sinumang tumatanggap sa Diyos ay kanyang tunay na pinagpapala. Sa kabila ng ating mga kakulangan, hindi man tayo karapat-dapat sa kabutihan ng Diyos, binibigyan niya tayo palagi ng pagkakataon na mahalin at paglingkuran natin Siya sa ating buhay. Anong paghahanda ang ginagawa mo upang tanggapin ang Diyos?
© Copyright Pang Araw-araw 2024