Ebanghelyo: Mt 15: 29-37
Umalis doon si Jesus at pumunta sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.“ Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?“ Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?“ Sumagot sila: “Pito, at kaunting maliliit na isda.“ Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-pirasong pitong punong bayong.
Pagninilay
Ang Diyos ay palaging puno ng awa at biyaya para sa lahat ng ating pangangailangan. Batid ng Diyos ang lahat ng hirap na pinagdaraanan natin, nababasa ng Diyos ang laman ng puso natin. Sinumang lumalapit o tumatawag sa Diyos ay hindi Niya binibigo. May panahon ang Diyos para pakinggan ang bawat nating pagsamo. Sa buhay natin, paano ba tayo dumudulog sa Diyos? Hindi ba ito’y sa ating pananalangin? Sa panalangin naipapahayag natin sa Diyos ang lahat ng ating galak, takot, pangamba at pagdurusa. Sa panalangin binubuksan natin sa Diyos ang laman ng ating puso. At hindi nga tayo binibigo ng Diyos. Sa ugnayan natin sa ating kapwa, ganoon din ba tayo? May panahon din ba tayo upang pakinggan at tumulong upang matugunan ang pangangailangan ng iba? Nakikibahagi ba tayo sa pagbibigay kalunasan para sa kapwa nating may mga kapansanan? Nang hinatihati ni Kristo ang pitong tinapay at maliliit na isda, inabot Niya ito sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nawa’y maging bahagi rin tayo sa pagpapalawig ng pag-ibig ng Diyos sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024