Ebanghelyo: Jn 18: 33b-37
“Ikaw ba ang hari ng mga Judio?“ Sumagot si Jesus: “Mula ba sa’yo ang salitang ito o may nagsabi sa ’yo tungkol sa akin?“ Sumagot si Pilato: “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga punong-hari. Ano ba’ng ginawa mo?“ Sumagot si Jesus: “Hindi sa mundong ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko, makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio. Ngunit hindi nga dito galing ang pagkahari ko.“ Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Eh di hari ka nga?“ sumagot si Jesus: “Sinabi mong hari nga ako. Para dito ako isinilang at dahil dito kaya ako dumating sa mundo: upang magpatunay sa katotohanan. Nakikinig sa tinig ko ang bawat makatotohanan.“
Pagninilay
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang nating ang Dakilang Paghahari ni Jesukristo sa Sanlibutan. Ito rin ay itinuturing na pinakahuling Linggo sa liturhikal na taon ng ating Simbahan. Ang dakilang pagdiriwang na ito ay unang pinasinayaan ni Papa Pio XI noong Disyembre 11, 1925 nang kanyang ipanukala sa ensiklikal na Quas Primas ang pagtatalaga sa Kapistahan ng Kristong Hari. Sa ensiklikal na ito, na ngayo’y nagdiriwang ang ika-99 taon, ay pinapaalalahanan tayo na gawin natin si Kristo bilang ang tunay na hari ng ating buong buhay. Sa kabila ng mga kaliwa’t kanang mga pagsubok at hamon na nararanasan natin ngayon, ipahayag natin sa lahat na si Jesus ang naghahari sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ang paghahari ni Jesuskristo ay nangangahulugan para sa atin ng katiwasayan, kaayusan at kaligtasan. Gayun din naman, sa ebanghelyo, pinapaalala sa atin, na si Jesus ay magpapatunay sa katotohanan. Bilang isang Haring ating itinatangi, dala ni Jesus ang katotohanan. Siya ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Kaya walang dahilan para hindi natin tanggapin at yakapin si Jesus at paglingkuran Siya bilang Hari ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw – araw 2024