Ebanghelyo: Lc 17: 26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.“ At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?“ Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.“
Pagninilay
Sabi nga lahat ng daan ay may hangganan, lahat ng pagsisimula ay may pagtatapos, at lahat ng sinusulat ay nagtatapos sa isang tuldok. Tila paalala sa atin ng Panginoon na may hangganan ang lahat. Gayun pa man, hindi natin nababatid kung kalian ito darating sa atin. Kung paano noong panahon ni Noe ay dumating ang isang pambihirang delubyo o baha at noong panahon ni Lot ay ginunaw ang Sodom at Gomorrah. Tinatakot ba tayo ni Jesus? Siguro’y magandang tingnan natin kung paano tayo iniimbitahan ni Jesus na sa araw araw ng ating buhay ay gawin natin itong kapaki-pakinabang at makabuluhan. Piliin nating maging masaya at para sa pagpupuri at pagsaksi sa dakilang pagibig ng Diyos ang maging gulong ng ating buhay. Imbes na mapuno tayo ng mga alalahanin, takot, pag-aalinlangan, manalig tayo sa Diyos at piliin nating paglingkuran Siya sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw – araw 2024