Ebanghelyo: Jn 2: 13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa- Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.” Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay
Ang Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan Lateran ay unang pinangunahan nong 324 AD ni Papa Sylvestro I. Ang simbahang ito ay ang itinuturing na katedral o luklukan ng obispo ng Roma, ang Santo Papa, itinuturing na “Ina at Pinuno ng lahat ng Simbahan ng Lungsod at ng Mundo.” Sa ebanghelyo, ipinagtabuyan ni Jesus ang mga nagtitinda at mga nakaupong tagapalit ng pera sa templo. Ang templo ay isang sagrado at banal na lugar. Tayo’y dito sumasamba at nanalangin sa Diyos. Isang malaking kalapastanganan ang kawalan ng paggalang at pagpapapahalaga sa lugar kung saan nananahan ang Diyos. Ang mga ganitong gawain ay nagpapatuloy pa rin. Maaaring wala na ngang nagtitinda at nagpapalit ng pera sa loob ng ating mga simbahan, pero hindi naman tayo kumikilos ng wasto kapag narito. May ilan sa atin na habang nagmimisa ang pari walang tigil sa paggamit ng kanilang celfon o kaya’y nagdidigital games, may ibang nagkwekwentuhan, may pagkakataong ginagawang lugar lang para mag-date, may iba na nagtatapon ng kanilang maliliit na basura o kaya’y sinusulatan ang mga upuan. Ito ay mga bagay na dapat nating iwasan sa loob ng tahanan ng Diyos. Igalang natin ang Simbahan. Igalang natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2024