Ebanghelyo: Mc 9: 38-43, 45, 47-48
Sinabi naman sa kanya ni Juan: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.” At sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Ang hindi laban sa atin ay kampi sa atin. At kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy.
Pagninilay
Ang salitang Katoliko ay hango sa salitang Griyegong na katholou. Ang ibig sabihin nito ay may kinalaman sa konsepto ng kabuuan o pangkalahatan. Ang kahulugan nito ay ang salitang katoliko mismo, na nagpapahiwatig ng ugnayan o pakikitungo na hindi eksklusibo. Ang mensaheng ipinapahayag ng mga apostol at ng kanilang mga inapo ay hindi para sa iilan. Ito’y para sa buong sangkatauhan na nangangailangan ng kapatawaran ng kasalanan at kaligtasan. Ang pagiging bukas at hindi eksklusibo ng simbahang Katoliko ay ang diwa na parehong ipinamalas ni Moises (Bilang 11:25-29) at ni Jesus (Marcos 9:38-43; 45, 47-48). Pareho ang pagpapahalaga nila sa kapangyarihan at kalayaan ng Banal na Espiritu na ibahagi at ipadama ang Kanyang presensya sa ibang tao kahit hindi sila nabibilang sa “mga kasama.” Natural sa mga tao ang magbuo ng grupo o mga ‘tropa’ Nagkakaroon ng dagdag na pagkakakilanlan at antas ng kapanatagan at kaginhawaan kapag may grupo o pangkat na kinabibilangan. Ang malungkot na parte nito ay mas madalas nagiging eksklusibo ang pakikitungo ng mga kasapi sa mga miyembro at ito ay nagiging sanhi upang ang hindi kasali sa ‘tropa’ ay hindi nabibigyan ng tama at makataong pakikitungo. Sila ay “hindi IN,” o di kaya “others sila.” Ang samahan, kung minsan, ay nagiging sanhi ng hidwaan at tunggalian sa ibang taong labas sa ‘tropa’ o grupo. Sa pagbasa ngayon, tayo ay pinaaalalahan na buksan ang ating puso sa pagtanggap sa ibang tao na nabiyayaan ng Banal na Espiritu kahit sila ay naiiba sa atin o hindi kasapi ng nakasanayang komunidad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024