Ebanghelyo: Mt 23: 23-26
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu, ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
Pagninilay
Natural sa mga tao na habang tumataas ang pinag-aralan, at dumadami ang kaalaman, ay nagiging mayabang, at nagkakaroon ng pakiramdam na “mas angat o magaling sa iba”. Hindi naman lahat ay magiging ganito, subalit mas nakararaming umaangat ang katayuan sa buhay ang sumasama rin ang pag-uugali. Ito marahil ang dahilan bakit tinutuligsa ni Jesus ang institusyon ng mga Pariseo at mga nagtuturo ng Batas. Para kay Jesus, mas mahalagang magpakumbaba ano man ang kalagayan at estado sa buhay. Ang tao ay walang karapatang magmalaki sa kahit sino man tungkol sa kanyang aking galing, kakayahan, salapi, at ari-arian. Kung susuriing mabuti, ang lahat ay mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos. May katotohanan tayong mapupulot sa kasabihang ito: “Do not allow your achievements and successes to get into your head, and never allow your frustrations to get into your heart.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024