Ebanghelyo: Mt 15: 21-28
Pagkaalis sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay
Ang pag-ibig ay isang napakalakas na uri ng enerhiya, kapangyarihan, o pwersa. Napakaraming bagay at mga pangyayaring ginagawa ang isang taong tunay na nagmamahal. Madalas ay nakakalimutan ng isang nagmamahal ang pansariling kapakanan para mapabuti at maging mas maayos ang kalagayan ng minamahal. Ito ang uri ng pagmamahal na ipinamalas ng isang ina na taga Kananea para sa kanyang anak na pinahihirapan ng demonyo. Buong pagpapakumbaba na humingi siya ng awa at tulong kay Jesus para sa minamahal niyang anak na nagdurusa. Buo ang tiwala niya na may kapangyarihan si Jesus na makapag pagaling sa kanyang anak at isinantabi niya ang anumang kahihiyan at posibleng kahihinatnan ng kanyang panggugulo at pangiistorbo. Ang ginawa niya ay isang mukha ng isang inang labis ang pagmamahal para sa kanyang anak. Siya ay “kumapit sa patalim” at kayang gawin ang lahat ng kanyang magagawa, at kalimutan ang sarili para sa kanyang anak. Ito ang halimbawa ng pagmamahal na may kapangyarihan o pwersa na nakapagliligtas. At ang pagmamahal niya sa anak at ang pananalig niya kay Jesus ang naging daan para sa kaganapan ng kanyang hinihiling para sa minamahal na anak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024