Ebanghelyo: Mc 9: 2-10
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
Ginugunita natin ang pangyayaring nasaksihan ng mga apostol na sina Jaime, Juan, at Pedro sa isang bundok. Sa kanilang harapan, nagbago ang anyo o itsura ni Jesus. Bukod pa rito, nasaksihan nila na nakipag-usap Siya kina Elias at Moises. Narinig din nila mula sa ulap ang tinig ng Diyos Ama na kinilala si Jesus na minamahal Niyang Anak. Sa pangyayaring ito, binigyan ang mga apostol at lahat ng sumasampalataya kay Jesus ng pagsilip (preview or teaser) sa pagbabagong-anyo ng lahat Niyang mga tagasunod, at ito ay magaganap sa Kanyang pagbalik sa mundong ito. Ang mga hinirang ng Diyos na magmamana sa Kanyang kaharian ay magkakaroon din ng pagbabago ng anyo o itsura na angkop sa realidad ng langit at ng buhay na walang hanggan. Tayo ay sumasampalataya at umaasa na sa pagbabago ng anyo na magaganap, hindi na tayo makakaranas ng sakit, gutom, lungkot, pagkauhaw at atbp. Ang mga pisikal na katawan ng mga hinirang na tagapagmana ng Kanyang kaharian ay babaguhin ang anyo. Dahil dito, ligtas na sa kamatayan at angkop na sa isang buhay na walang katapusan. Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos ng ganitong uri ng biyaya sa Kanyang pagbabalik sa mundo sa katapusan ng panahon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024