Ebanghelyo: Mt 11: 25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Pagninilay
Natural sa mga tao na habang umaangat, dumadami, o tumataas ang nararating sa buhay ay nagiging mayabang at nagkakaroon ng pagtingin sa sarili na siya ay mas magaling, bukod tangi, at nakahihigit sa iba. Sa mga karaniwang tao, madalas na napapansin ang mga taong ganito at nababansagan silang mga nilalang na “lumaki ang ulo,” o “hindi na nakaalala sa kanilang pinagmulan.” Masakit aminin, ngunit madalas na ang taong matatalino o sobrang marami ang kaalaman ay nakapangliliit ng kapwa. Ito ay hindi sang-ayon sa batayan ni Jesukristo na nagnanais na ang tao ay maging mapagkumbaba at mamulat sa katotohanan na ang lahat ay biyaya ng Diyos na hindi dapat ipagmayabang, bagkus ay ibahagi sa kapwa bilang pasasalamat at pagmamahal. Sa ebanghelyo, mapapansin natin ang matinding ugnayan at pagkakakilanlan ni Jesus sa Diyos Ama. Ang kanilang relasyon sa isa’t-isa (kasama ang Espiritu Santo) ay pagbubunyag sa atin ng pagkakaisang napakatibay at pinakamalalim. Ang Kabanalbanalang Santatlo (Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo) ay nagnanais na kilalanin din natin sila ng lubusan. Ang pagkilala ay hindi lamang sa antas ng kaalaman (KNOWING ABOUT God), bagkus ang magkaroon na pagkakakilanlan sa Diyos na bunga ng matinding ugnayan (KNOWING God).
© Copyright Pang Araw-araw 2024