Ebanghelyo: Mt 11: 20-24
At sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagongbuhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay
Kung tayo ay magpapakumbaba, mauunawaan natin na ang lahat ng meron tayo ngayon kagaya ng mga bagay at mga tao sa ating buhay ay biyaya at kaloob ng Diyos. Tanging iisa lamang ang maituturing natin na galing sa atin at hindi nanggaling sa Kanya – ito ang ating mga kasalanan. Ang ating mga kasalanan na maaring mangyari sa ating isip, pananalita, at mga nagagawa, ay sadyang atin at kailanman ay hindi nagmula sa Diyos.
Tayo ay Kanyang binibiyayaan dahil mahal Niya tayo at alam Niya na kailangan natin ang mga ito upang mabuhay. Sabi nga ng isang paring Katoliko sa kanyang sermon, ang tao ay binibiyayaan ng Diyos upang: 1) matutong magpasalamat; 2) maging mapagkakatiwalaan pa ng mas maraming biyaya; at 3) magbahagi sa kanyang kapwa na mas higit pa ang pangangailangan. Malinaw na patuloy tayong binibiyayaan ng Diyos ng ating mga pangangailangan araw-araw. Mahal Niya tayo at ninanais Niya na tayo ay manumbalik sa Kanya upang Siya ay purihin at mahalin dahil kalooban Niya na tayo ay makakapiling Niya magpakailanman. Sa araw ng paghuhukom, tayo ay haharap sa Kanya kung paano natin ginagamit at pinahalagahan ang mga biyayang Kanyang ibinahagi sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2024