Ebanghelyo: Mt 8: 18-22
Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao. Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Pagninilay
May mga gawain sa buhay na kailangan nating gawin ng mabilisan dahil sa kahalagahan nito. Ang iresponsableng pagpapaliban sa mga gawaing ito ay maaaring magdulot ng mas malaking perwisyo at abala na madalas ay may kaakibat na babayaring mas mataas kung ito ay natugunan sana ng maaga. Ang hindi pagdating sa itinakdang tamang oras ng paglipad ng eroplano ay may dagdag agad na gastusin at maraming abala hindi lamang sa aalis na pasahero pati na rin sa mga taong makikipagkita sa lugar na pupuntahan. Sa wikang Ingles, ang pagdating ng maaga sa paliparan ay maaring magandang halimbawa ng isang gawaing “very urgent” at “very important.” Sa mga pagbasa ngayon, tinuturuan tayo ni Jesus na ang pagsunod sa kanya at sa kanyang Salita ay hindi lamang mahalaga bagkus ay dapat na inuuna kaysa sa ibang mahalagang gawain natin bilang karaniwang tao. Ang tawag ng Diyos ay kailangan ng agarang pagtugon at hindi dapat ipinagpapaliban. Huwag nating ipagpalit ang ating Manlilikha sa mga bagay na kanyang nilikha lamang para sa atin.
© Copyright Bible Diary 2024