Ebanghelyo: Mt 8: 1-4
Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, si Jesus ay nagpagaling ng isang taong may sakit na ketong. Ang tao na ito ay may malalim na pananampalataya sa Kanya na kaya Niya siyang pagalingin. Kung titingnan natin ang ating ugnayan sa Panginoon, tayo ba ay lubos na nagtitiwala na kayang Niyang pagalingin hindi lang ang sugat kundi pati na rin ang ating kasalanan? Na kaya Niya tayong linisin at baguhin? Nagtitiwala ba tayo na gaano man kabigat ang ating dinadala, kaya Niya itong pagaanin? Kaakibat sa paggaling ng may ketong sa kanyang pisikal na sakit, binalik din ni Jesus ang kanyang dangal sa harap ng lipunan. Muli siyang itinayo sa pagkakalugmok. Pinagaling ni Jesus ang buo niyang pagkatao: pisikal, moral, at espiritwal. Sa lahat ng nangyari sa kanya, hinikayat siya ni Jesus na magpuri at magpasalamat sa Diyos. Muli siyang inilapit ni Jesus sa Ama. Ibinalik Niya ang kanyang ugnayan sa Kataas-taasan at Mahabaging Ama.
© Copyright Bible Diary 2024