Ebanghelyo: Lc 24: 35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
Isa na namang tagpo nang pagpapatotoo ni Jesus na ang Kanyang presensiya at pagiging kasama ng Kanyang mga alagad ay hindi nagtatapos sa Kanyang pagkamatay! Tunay nga na hindi kailanman Siya mawawala sa kanilang piling. Nahihirapan ang mga alagad ni Jesus na tanggapin Kanyang pagmatay at nababalot sila ng pagdadalamhati, kalungkutan, pagkabigo, at takot. Gayun pa man, mas mukhang nahihirapan din silang tanggapin na muling nabuhay si Jesus! Hindi ba’t ito’y isang “irony”? Pero, ito rin ay madalas na mangyari sa atin. Dahil nakatutok ang isipan natin sa isang pangyayari, hindi na natin nakikita o napapansin na may magandang bagay din na nangyayari sa kabila nito! Hindi lang nagtatago sa nakasarang pinto ang mga alagad, nakasara din ang pinto ng kanilang pananampalataya sa mga sinasabi Niya. Sila’y nakatuon sa kanilang nararamdamang sakit at takot. Sa kabila nito, nauunawaan pa rin sila ni Jesus. Hindi Niya sila tinalikuran at hinayaan sa kanilang sitwasyon.
Hindi pa sila maniniwala kung hindi pa pinahipo ni Jesus ang Kanyang mga sugat at nang Siya’y humingi ng makakain. Hinding-hindi tayo susukuan ni Jesus kailanman! Kaya sa oras ng takot, pagdududa, at pagsubok, kumapit tayo kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024