Ebanghelyo: Jn 4: 43-54*
(…) Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niyang dumating si Jesus sa
Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal:
“Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.
Pagninilay
Gagawin ng isang magulang ang lahat para sa kabutihan ng kanyang anak. Kahit man ito ay mahirap gawin, hindi niya ito alintana sapagkat ang mahalaga para sa kanya ay ang kanyang anak. Kapag nalagay sa panganib ang buhay ng kanyang mahal sa buhay, lulunukin niya anumang kayabangan mayroon siya. Lalapit siya sa mga taong makatutulong sa kanya mawala lang sa peligro ang buhay ng kanyang anak. Isang ama ang lumapit kay Jesus at hiniling nitong pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. Balewala sa kanya ang mahabang paglalakbay maipamanhik lamang kay Jesus ang himala niyang inaasahan. Walang hadlang na hindi kayang lampasan ng isang taong nagmamahal. Walang mahirap na paraan na hindi pagtitiyagaan ng isang taong tigib sa pag-ibig. Walang sakripisyong hindi isasabalikat ng isang taong wagas ang pagmamalasakit sa kanyang minamahal. Alalahanin natin ang pagmamahal ng ating mga magulang at sandali natin silang ipagdasal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024