Ebanghelyo: Jn 3: 14-21
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Ipagdikdikan ninuman ang kasamaan ng isang tao sa kanyang mukha at halos wala siyang makikitang ebidensya ng pagbabago. Subalit, kapag ipinadama nitong may natitira pang kabutihan sa kanyang puso, tiyak na magsisimula ang intensyong magbago. Dahil mahal ng Diyos ang tao, hindi Niya ito ipinahintulot na malugmok sa kasalanan. Ni ang presensya Niya sa mundo ay hindi tanda ng paghuhukom o paghatol, kahit na darating ang panahong gagampanan Niya ang tungkulin ng isang Hukom. Ang Kanyang pag-iral sa mundo ay tanda ng wagas na pagliligtas ng Diyos upang mahango ang tao sa paggawa nito ng masama. Hindi ba’t ganyan ang mga magulang? Ituturing nilang kanila ang kanilang mga anak kahit na gaano kalaking kamalian ang gawin nila. Sa halip na iwan, yayakapin nila ang kanilang mga supling at aalalayang makabangon. Subalit, higit ang pagmamahal ng Diyos kaysa sa mga magulang. Binibigyan Niya ng maraming pagkakataon ang isang makasalanan – kagaya natin – na ituwid ang baluktot na pamumuhay. Ipinapaalala ng Diyos sa atin na ang ating puso ay likas na mabuti at dahil diyan, mas marami tayong magagawang mabuti kaysa sa masama. At mayroon tayong kakayanang bumalik sa Kanya kahit nagpakalayu-layo tayo dahil sa mga kasalanan. Ganyan ang pamamaraan ng Diyos. Hindi Niya tayo hinuhukuman, kundi inililigtas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024