Ebanghelyo: Lc 11: 29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Paano bang naging tanda si Jonas para sa mga taga-Ninive? Ito ay tanda ng pagsisisi. Nagbalik-loob ang mga taga-Ninive dahil sa pangangaral ni Jonas. Si Jesus ay mas higit kay Jonas ngunit hindi siya pinakinggan ng mga tao. Naghanap pa sila ng mas kagila-gilalas na tanda. Tayo rin ay mapaghanap ng palatandaan o tanda. Hindi pa sapat sa atin ang mga ginagawa ng Diyos sa ating buhay at kaligtasan. May hihigit pa ba sa tanda ng Eukaristiya? Si Jesus ay naging tinapay upang maging pagkain ng ating kaluluwa Hindi natin kailangan ang tanda kundi ang biyaya na makilala natin at mapahalagahan ang mga himala ng Diyos sa ating buhay. Araw-araw naman ay nagpaparamdam ang Diyos ng kanyang pagmamahal. Buksan natin ang ating mga matang nabubulagan. Buksan natin ang ating mga pusong tinakpan ng kasalanan
© Copyright Pang Araw-Araw 2024