Ebanghelyo: Mc 1: 40-45
Lumapit sa kanya ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saansaan galing.
Pagninilay
Ayaw natin sa diktador. Ayaw nating dinidiktahan tayo ng ating kapwa at sinasabihang “Gawin mo ito” o “Gawin mo ‘yan.’ Mas natutuwa tayo kapag tayo ang pinagpapasya. Mas malaya tayo kapag sinasabihang “Ikaw na ang bahala.’ Ganoon ang ginawa ng ketongin ayon sa salaysay ng ebangheyo ngayong Linggo.Kahit alam niyang makapangyarihan at mahabagin si Jesus ay nakiusap pa rin siya, “Kung ibig po ninyo’y mapapagaling ninyo ako.” At tumugon si Jesus, “Ibig ko na gumaling ka.” Kaylaking ligaya ang nadama ng taong may ketong. Itinatadhana sa Lumang Tipan na ang may ketong ay nararapat lumayo sa karamihan at sumigaw ng “Marumi, marumi” upang layuan siya ng iba at hindi siya makahawa. Pinagaling siya ni Jesus at ngayon ay malaya na siyang makikihalobilo sa mga tao. Hindi na siya iiwas at hindi rin siya iiwasan. Tanggap na siya sa lipunan. Tunay na magalang ang ketongin. Hindi niya sinabi kay Jesus “Pagalingin mo ako.” Punung-puno ng pagsasaalang-alang ang kanyang pananalita. Alam niyang kung hindi gusto ni Jesus ay hindi matutupad ang kanyang kahilingan. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Panginoon na wari bang nagsasabi kay Jesus ng “Kayo na po ang bahala.” Sa kanyang paggalang at kababaang-loob ay natamo niya ang minimithing kagalingan sa taglay niyang sakit. Sa ating pananalangin ay magandang magtaglay ng ganoong saloobin. Sabihin din natin kay Jesus, “Kung ibig ninyo ay gagaling ang aking sakit. Kung gusto ninyo ay matutuloy ako sa abroad. Kung kalooban ninyo ay makapapasa ako sa pagsusulit. Kung ipahihintulot ninyo ay mananalo ako sa halalan.” Palaging naroon ang pagtitiwalang kapag ang ating hinihingi ay para sa ating ikagagaling at ikabubuti ng ating kapwa, tiyak na ito ay ipagkakaloob ni Jesus. Kung talagang ibig ng Panginoon ay matutupad ang ating inaasahan. Kung loloobin ng Diyos, kahit ang mukhang imposible ay mangyayari. Kung nais ng Diyos ay makakamit ang lahat nating mithiin sa buhay. Makapangyarihan ang Diyos. Siya ay mapagbigay. Siya ay mapagmahal. Sa kanya tayo magtiwala. Palagi nating sabihin sa kanya, “Kayo na po ang bahala.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024