Ebanghelyo: Mc 6: 7-13 At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang daladalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
Pagninilay
Sa ebanghelyo ngayon ay isinugo ni Jesus ang mga alagad na daladalawa. Ang tagpong ito ay mabababasa sa ibang ebanghelyo. Magkakaiba ang ipinahihintulot na mga bagay na maaring dalhin ng misyonero ngunit iisa ang mensahe –- Huwag mabahala kung ano ang kakanin at paanomabubuhay. Diyos ang magbibigay. Siya ang bahala. Mayroon bang isinugo ang Diyos na kanyang pinabayaan? Isang maikling kuwento. Napapagod na samahabang paglalakbay ang isang pari nang mapadaan
siya sa bahay ng isang taong may hawak na manok. Pabiro niyang sinabi, “Kuya, ang ganda naman ng ‘yong manok. Ang katawan ay parang papaya. Ang paa ay parang luya. Ang mata ay parang paminta.” Tugon ng lalaki, “Pasok na, Father, at nang makakain kayo ng masarap na tinola.” Walang paring nagugutom. Walang mga lingkod sa Simbahan na nagdarahop. Palaging nagpapala ang Diyos. Palaging may mga biyayang kaloob. Magtiwala tayo sa kanyang pagmamahal. Ang kanyang Probidensya ay palaging sasaatin. Alam niya ang bigat ng ating tungkulin. Ramdam niya ang hirap ng ating mga gawain. Hindinghindi siya magpapabaya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024