Unang Pagbasa: 2 S 24: 2, 9-17
Ebanghelyo: Mc 6: 1-6 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala. Naglibot naman si Jesus sa mga nayon sa paligid sa kanyang Pagtuturo.
Paninilay
Hindi ang himala ang lumilikha ng pananampalataya. Ang pananampalataya ang lumilikha ng himala. Maliwanag ito sa ebanghelyo.
Si Jesus ay hindi nakagawa ng anumang kababalaghan sa kanyang sariling bayan dahil sa kawalan ng pananampalataya ng kanyang mga kababayan at kamag-anak. Kung sumampalataya sila, tiyak na bubukal ang maraming mga himala. Totoong ang himala ay bunga ng pananampalataya. Kung kikilalanin natin si Jesus at pananaligan ang kanyang kapangyarihan at pagmamahal, makasasaksi tayo ng maraming kababalaghan. Kung sasampalataya tayo sa kakayahan at karunungan ng Panginoon, lalantad ang maraming himala sa ating paningin. Kayraming nanalig kay Jesus na nakaranas ng kanyang mapagligtas na pagkilos. May kasabihang “I understand that I may believe.“ Dapat daw ay maunawaan mo muna ang lahat bago ka maniwala. Ang kabaliktaran ang too. “I believe that I may understand.” Kapag sumampalataya ka ay mauunawaan mo ang lahat. Dahil sa pananalig kahit ang animo’y walang paliwanag ay naaarok ng puso. Ang misteryong tila nasa dilim ay magkakaroon ng liwanag. Maniwala ka muna sa Panginoon. Bibigyan ka ng kakayanan na matuklasan ang kanyang kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024