Ebanghelyo: Mc 4: 35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usapusap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay
Wika ng isang awit, “Itong alon sa dagat tulad ng ating buhay. Kung minsan ay tahimik. Kung minsa’y magalaw.” Naranasan ng mga alagad ang “magalaw’ na alon na humahampas sa bangka na malapit nang mapuno ng tubig. Nabagabag sila at ginising ang Panginoon na noon ay natutulog. Ang pagtulog ni Jesus ay hindi pagpapabaya sa mga alagad kundi tanda ng kanyang pagpapaubaya at pagtitiwala sa Ama. Madalas tayong humarap sa unos ng buhay. Ang alon ng ating buhay ay magalaw at tayo rin ay natatakot. Nawa ay huwag nating kalimutan na ang Panginoon ay may hawak sa kalikasan. Magagawa niyang supilin ang alon at ang hangin. Kaya rin niyang patigilin ang lahat ng bagyong ating kinakaharap. Magtiwala tayo sa kanya tulad ng kanyang pagtitiwala sa Diyos Ama. May nalimutan ang mga alagad. Natakot silang lumubog at malunod sa dagat. Hindi nila naisip na sa bangkang hinahampas ng alon ay kasama nila si Jesus. Kung may panganib ay nasa panganib din ang Panginoon. Palagi nating kasama si Jesus sa bangka ng buhay. Alam niya ang ating mga nararanasan. Ramdam niya ang hagupit ng mga bagyong dumarating. Naroon din siya sa bangka at kaisa natin. Hindi tayo nag-iisa. Sa tuwina ay sasamahan tayo ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024