Ebanghelyo: Mc 3: 7-12
Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maramingmarami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
May dalawang leksyon ang ating ebanghelyo ngayon – ang tunay na pakikipagkaibigan at ang pag-iwas sa kabantugan. Ang dalawang ito ay kapwa sangkap sa kabanalan at mabuting pamumuhay-Kristiyano. Sa ebanghelyo ay kapwa negatibo ang paglalarawan. Gayunman, kapwa may aral ang dalawang pangyayari. Una, makasarili (kaya nga negatibo) ang layunin ng mga taong sumunod kay Jesus. Nais nilang mapagaling sa kanilang karamdaman. Dinagsa nila si Jesus upang humingi ng kagalingan sa taglay nilang mga sakit. Tunay, makasarili ang kanilang layunin. Hindi sa pakikipagugnayan o pakikipagkaibigan sa Panginoon. Pawang makasariling interes ang nagbunsod sa kanila. Ang hanap nila ay hindi mismo si Jesus kundi ang magagawa ni Jesus para sa kanila. Ikalawa, mahigpit ang bilin ni Jesus na dapat ay huwag nilang sasabihin kung sino siya. Parang negatibo. Hindi nga ba’t dapat makilala ng mga tao si Jesus? Ang totoo’y bahagi ito ng natatagong lihim ng Mesiyas na siyang diin ng ebanghelyo. Hindi pa panahon upang ipakilala ni Jesus ang kanyang sasapiting hirap at kamatayan. Huwag tayong maghangad na makilala. Hayaan natin ang ating katahimikan ang magsalita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024