Ebanghelyo: Mc 1: 7-11
At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan,
at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
Pagninilay
Alam natin ang buhay ng ating kapitbahay. Kilala natin bawat miyembro ng pamilya. Ramdam natin kapag sila ay may pinagdadadaanan. Kung may bagong kasangkapan ay napapansin agad natin. Sa sampayan ay kilala natin kung kaninong damit ang nilabhan. Kahit sa amoy ay nahuhulaan natin ang kanilang ulam. Ganyang ang magkakapitbahay. Nang magkatawang-tao si Jesus ay naging kapitbahay natin siya. Ito ang ibig sabihin ng “He dwelt among us” o kaya ay “he pitched his tent among us.” Nang siya ay nagpabinyag sa Ilog Jordan ay nakiisa siya sa ating katatayuan bilang tao. Hindi niya kailangan ang binyag na pag-aalis ng kasalanan sapagkat siya ay walang kasalanan. Nais lamang niyang makiisa sa atin na parang isang kapitbahay. Hindi malayo sa atin si Jesus. Kapatid natin siya sa bisa ng Binyag. Kaisa natin siya sa ating mga gawain liban lamang sa kasalanan. Unawa niya ang ating katatayuan. Alam niya ang ating mga paghihirap at dalahin sa buhay. Ni hindi na tayo dapat pang tumawag sa kanya. Handa siyang saklolohan tayo sa lahat ng pagkakataon. Makakaasa tayo sa kanyang kalinga at pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024