Ebanghelyo: Mc 1: 7-11 (o Lc 3: 23-38)
At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
Pagninilay
Mahirap ang sakit na schizophrenia. Ayon sa pinagmulang mga salitang Griego at Aleman, ang karamdamang ito ay “tearing apart or splitting of psychic functions.” Iba ang nasa isip at iba rin ang ikinikilos. Nahahati
ang sarili dahil dalawang mundo ang ginagalawan. Sa ebanghelo ay ginamit ang salitang Griego na “schizo” sa pagtukoy na “paghawi ng
langit “ o “heavens torn apart.” Ibig sabihin ay nabuksan na ang nagsarang komunikasyon sa pagitan ng Diyos at tao. Sa pagdating ni Jesus ay napunit na o nabuksan na ang langit para sa atin. Makalalapit na tayo sa Diyos Ama dahil si Jesus ay namamagitan para sa atin. Hindi na tayo malayo sa Diyos na siyang naging bunga ng kasalanan ng ating unang mga magulang. Nahawi na ang lambong na nagtatakip sa langit at makakatagpo na natin ang Diyos. Madalas ay “torn apart” din ang ating buhay at pananampalataya. Magkaiba ang ating pinaniniwalaan at isinasabuhay. Kaya naman, malayo tayo sa Diyos. Nawa’y mapakinabangan natin ang
biyayang dulot ng pagdating ni Jesus sa mundo. Nawa’y mabuhay na tayo sa iisang layunin – ang makilala at mahalin ang Diyos dito sa lupa at makasama siya sa kabila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024