Isa sa mga tradisyon ng Pilipino ay ang pamamasko natin sa ating mga kamag anak at pamamasako lalung lalo na sa ating mga Ninong at Ninang. Bibisita sa bahay nila at sasabihing “Merry Christmas po,” ibubuka ang palad sabay magpapakita ng maamong mukha sa harap ng ninong at ninang upang kaawaan kunyari at laking tuwa sa mukha, nakangisi ang labi na umaabot hangang tenga pagnapagbigyan na. Ang iba, dahil sa napakarami ng inaanak, maliban na lang sa mga tumatakas at nagtatago tuwing Pasko, ay bibigyan na lng agad ng regalo ang kanilang inaanak. Ang iba naman, kagaya ng isang ninong ko, may ipapagawa muna sa akin bago ako bigyan ng regalo. Syempre susundin ko ang kalooban ng ninong para bigyan ako ng mas malaking pamasko.
PAGBISITA, PAGHABAG, PAGKALOOB. Tatlong katagang ibinibigay sa atin ngayong ika 4th Sunday of Advent, ika limang araw ng nobena para sa pagdiriwang ng kapistahan ng kapanganakan ni Kristo. Tatlong kataga na kapag ginawa natin ay NAGDUDULOT NG SAYA AT LIGAYA. Tatlong katagang pwede nating gamitin bilang kahulugan ng PAMAMASKO.
PAGBISITA. Hindi ba’t masaya tayo kapag ang isang kamag anak ay dumadalaw sa atin. Maliban na lang kung ang kanilang sadya ay mangutang lang pala. Hindi ba’t masaya tayo pagbinisita ng mga kaibigan na matagal na nating hindi nakikita. At mas masaya tayo kapag may isang taong bumisita sa atin at ang dala niya ay magandang balita, swerte o isang masayang kaganapan. Ang pagdalaw ni Maria kay Elisabet ay nagdulot ng ligaya at tuwa hindi lamang sa kanyang pinsan kundi pati sa batang dinadala sa sinapupunan niya. Ang dala ni Maria ay isang precious gift para sa mag ina. Isang napakahalagng regalo na handog din niya sa mundo, para sa ating lahat. Isang regalo na naghatid ng lungkot at pait sa mga kalaban ng kabutihan, isang regalo na naghatid ng saya at ligaya sa sangkatauhan sapagkat ang regalo ay SIYA, ang Dios ng puno’t dulo ng saya at ligaya, si Jesus ang Anak ng Tao, ang Anak ng Dios. “For at the moment the sound of your greeting reached my ears, the infant in my womb leaped for joy.”
PAGKAHABAG. May mga taong ayaw kaawaan dahil nagmumukha daw silang walang kwenta at tinatamaan ang pride nila. Masaya sila pag hinayaan mo lang sila. May mga tao naman na gustong gusto na kaawaan sila at sa pamamagitan nito sila ay nagiging masaya. Marami naman ang nagmamakaawa na sana lubayan na ng lungkot at pait ang buhay nila. At pag nangyari ito sasaya na daw ang buhay nila. Maring tao sa mundo ang napapagkaitan ng pagkaawa: mga kababayan natin sa ibang bansa na puspos na nagtatrabaho subalit ang kanilang mga kamag-anak naman sa Pinas naglulustay lang ng pera o may ginagawang kalokohan sa buhay nila; mga kababayan natin sa ibang bansa na inaapi at sinasaktan ng kanilang among banyaga; mga imigrante galing sa mga bansang magulo na dumadalaw at nakikipagsapalaran sa maalong malamig na dagat at nagmamakaawa sa border guards na papasukin sila; mga pulubing nasa kalye, nagtitiis sa lamig ng panahon at ulan, sa init ng araw at sa panahon na wala silang makain. O huwag na nating ilayo pa, yung mga magulang na sila na lang na mag asawa naiwan sa bahay nila dahil lahat ng mga anak ay nagsipag asawa na at may kanya kanya ng pamilya; o mga magulang na iniwan ng anak dahil nangibang bansa o nag-aaral sa malayong lugar o dahil na din sa kagagawan nila. Hindi ba’t magkakaroon ng saya at ligaya sa puso mo at sa kanila kung maawa ka at dadalawin mo sila ngayong Pasko.
Magandang pakingan ang mga salitang “Jubilee Year of Mercy.” Subalit kung hangang salita lamang tayo at wala tayong awa, walang saysay ang pagdiriwang ng jubilee na yan. Walang saysay ang pagdiriwang ng Pasko kung hindi ka makakaramdam ng pagkaawa sa mga partikular na tao na mahal mo sa buhay. Kung ang Dios nga ay may pagkaawa sa atin, hindi ba’t nararapat din na tayo ay magkaroon ng PAGKAAWA, PAGKAHABAG SA ATING KAPWA. Sa kanyang pagkahabag sa atin, nagsakripisyo siya para sa atin. Sa kanyang pagmamahal sa atin, dinalaw nya tayo, naawa siya at nagmalasakit sa atin kahit na ang kapalit nito ay malaking sakripisyo ng buhay niya. Si Maria na buntis, naglakad mula sa kanila hangang kila Elisabet. Mary set out and traveled to the hill country in haste to a town of Judah, where she entered the house of Zechariah and greeted Elizabeth. Bagama’t hindi dapat, pero ginawa niyang dalawin ang kanyang pinsan sapagkat, logically, isang matandang babae na halos lola na ang edad na nagbuntis ay una hindi kapanipaniwala pero nangyari at pangalawa ay mahirap yatang magbuntis sa sitwasyon niya. Nahabag si Maria kay Elisabet. At sa pagkahabag at pagdalaw, nagdala ito ng saya at ligaya sa pinsan niya at sa batang dinadala.
PAGKALOOB. Marami sa atin ang malimit na nagsasabi na pagkaloob ng Dios ang mga masasamang pangyayari sa buhay natin: kalamidad, pagkamatay ng mahal sa buhay, pagbagsak ng negosyo, pagkawala ng mga mahahalagang bagay para sa atin, etc etc. Siya laging naisisi o Siya ang laging may kasalanan. Napakasama naman ng dios na yan kung ganun. Hindi kaya nya pagkaloob ang masaktan ka. Hindi kaya niya pagkaloob na mapasama ka. Hindi rin ni pagkaloob na mamatay ka. Hindi niya pagkaloob na mawalan ka ng pag-asa. Ang pagkaloob niya ay sana ay maging masaya ka. Ang kalamidad ay parte ng struktura ng mundo natin. At malimit nangyayaro dahil na din sa kagagawan natin. Ang pagkamatay ay bahagi ng buhay ng tao. Lahat ipinapanganak at lahat ilalagak sa sementeryo o magiging abo. Lahat ng di magagandang pangyayari ay nagaganap dahil sa kalooban natin at kung minsan ay dahil baliktad o malayo ang kalooban natin sa nais ipagkaloob ng Dios sa atin. Paminsan inaakala natin na ang kalooban natin, ang gusto natin, ay ang siyang kalooban din niya. Nasa isip lang natin. Wala naman sigurong anghel na dumadalaw sayo at nagsasabing ito ang gusto ng Dios para sa iyo sa tuwing nagdidisiyon ka sa buhay mo. Isang pamamaraan upang makita kung kaloob ba ito ng Dios: masaya ka sa desisyon mo, lumigaya ang lahat sa paligid mo, maganda ang bunga ng naging desisyon mo o mga pangyayari, nakapagpaligaya ka ng iba, nagdulot ito ng tuwa sa puso ng madla. Sa madaling salita, ang pagkaloob ng Dios ay nagdudulot ng saya at ligaya at hindi lungkot at pait sa buhay natin.
Subalit dapat nating tandaan na ang KALOOBAN NATIN ay dapat maging SANG AYON SA KALOOBAN NG DIOS. Dahil binigyan tayo ng Dios ng kalayaan na suwayin, umiba, lumayo sa kalooban niya. Kaya ka minamalas, kaya ka napupunta sa sakuna dahil ang tao din mismo ang lumalayo ng kanyang kalooban sa kalooban ng Dios. Kapag nagkatagpo ang kalooban ng Dios at ang kalooban mo, saya at ligaya ang dulot nito sa iyo, sa iyong pamilya, at sa iyong kapwa. Nang sumangayon si Maria, nang naging isa ang kanyang kalooban sa pagkaloob ng Dios sa kanya sa pamamagitan ng anghel, naisilang ang batang sangol na nagdulot ng saya at ligaya. Nagdulot ng saya at tuwa sa batang nasa sinapupunan ni Elisabet nung dinalaw siya ng Nanay ng Anak ng Tao, ng Nanay ng Anak ng Dios. PINAGPAPALA ang mga taong sumasangayon sa kalooban ng Dios, sumasang ayon sa pagkaloob ng Dios sa kanya. “Blessed are you who believed that what was spoken to you by the Lord would be fulfilled.”
Kaya ngayong Pasko, bisitahin mo kaya yung matagal mo nang di binibisita. Upang magdala ka naman ng saya at ligaya sa kanya. Kung bibisita ka ngayong Pasko sa iyong kapwa, sana naman ligaya at saya ang iyong pagkaloob sa kanya at hindi magiging isang “bwisita.” Sana ngayong Pasko, magkaroon sana tayo ng pagkahabag sa mga taong nangangailangan nito. At sana ngayong Pasko, ipagdasal natin na isasang ayon na natin ang ating kalooban sa kalooban ng Dios at atin sanang ipagkaloob sa kanya ang ating pagkaloob. Dahil itong tatlo, PAGBISITA, PAGKAHABAG, PAGKALOOB ay ang tunay na diwa ng PAMAMASKO sa kapwa mo.
I pray for all those who have no one to visit them, for those who are unwanted and are not visited at all because of personality traits or because of fate. May they find happiness inspite of everything. May there be someone to visit them and remember them this Christmas. I ptay for the thousands of immigrants suffering and struggling in life, for all those who are mal treated in other places, for those who are desperate and in pain, for all those persons who have incurable wounds in their hearts. That they may have someone to give them joy and make them feel loved. And lastly, I pray that the will of God be done according to his saving plan. Merry Christmas in advance!
Post Credit: Urbanixcmf