Ebanghelyo: Mateo 7:15-20
Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan?
Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.
Pagninilay
Marami sa panahon ngayon ang mga taong tila propeta na nanghuhula sa hinaharap o kung ano ang mangyayari sa tao. Marami ang nalinlang at sumunod sa kanila. Sa Ebanghelyo, binalaan tayo ni Jesus na mag-ingat sa mga huwad na propeta na nagkukunwari upang linlangin ang kapwa. Ang tunay na propeta ay yaong tumitindig sa katotohanan, lalo’t higit sa pananampalataya at moralidad. Tayong mga bininyagan ay kabahagi ng pagka-propeta ni Jesus. Hamon sa atin ang manindigan sa katotohanang ipinapahayag ng ating pananampalataya at pagsikapang manatili sa moral na pamumuhay. Makikita ito kung ang Salita ng Diyos na ating ipinapangaral at ang mga kagandahang-asal ng Kristiyano na pinanghahawakan ay makikita sa ating buhay. Huwag tayong magpalinlang sa mga bulaang propeta na nagdadala ng takot sa komunidad. Sa halip, ating panindigan ang pagkapropeta sa pamamagitan ng pagbibigay pag-asa sa gitna ng paghihirap na kinakaharap ng ating pamayanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023