Ebanghelyo: Juan 15:12-17
Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan.
Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon.
Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigayalam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.
Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko.
Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Ang pagibig ay isang salitang madaling bigkasin ngunit di madaling unawain. Sa ebanghelyo, binigyan tayo ni Jesus ng tamang kahulugan at pagunawa sa pagibig. Una, ang pagibig ay isang pakikipagkaibigan. Sa Genesis 18, makikita ang pagkakaibigan sa pagibig sa Diyos ni Abraham. Dahil sa pagkakaibigang ito, nakinig ang Diyos kay Abraham sa kanyang pagsamo para sa Sodom at Gomorrah. May pakikinig at paggalang sa pagkakaibigan. Pangalawa, ang pagibig ni Kristo ay pinahayag sa paghahandog ng kanyang sarili di lamang bilang pagsunod sa Diyos Ama, kundi dahil sa kanyang walang hanggang pagmamahal sa kanyang mga kaibigan na handa siyang magalay ng buhay. Ito ang pinaka dakilang pagmamahal para sa isang kaibigan. Ikatlo, ang pagiging bukas sa pagkakaibigan. Sinabi ni Jesus ang lahat sa Kanyang mga alagad pagkat itinuturing silang hindi na alipin ngunit mga kaibigan. Nais makipagkaibigan sa atin ng Panginoon sa pagibig. Siya’y naging tao upang makapas ok tayo sa isang relasyon na may pakikinig, paggalang at pagsasakripisyo para sa kapwa.