Ebanghelyo: Juan 14:6-14
Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Ako ang siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na Siya at nakita ninyo siya.”
Sinabi sa Kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa Kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita Niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at Siya ang gumagawa ng Kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin Niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
Magiging madali ang pagkakatuto di lamang sa pakikinig sa mga salita, kundi sa mga halimbawa. Sa pagkakatawangtao ni Jesus, ang anak ng Diyos, nakita natin kung paano sundin ang kalooban ng Diyos. Sa kanyang mga salita at gawa, masusundan natin ang daan patungo sa makaDiyos na pamumuhay. Mahabang panahong kapiling ni Jesus ang kanyang mga alagad, ngunit hindi pa rin sila nakaunawa hanggang sa muling pagkabuhay ni Jesus. Mahina pa ang kanilang pananampalataya. Para sa ating patuloy na naglalakbay sa buhay, hinihimok tayo ni Jesus na manatiling kasama niya. Buháy ang kanyang mga salita. Ito’y nangungusap sa atin upang mapalalim ang pagkakilala sa Kanya. Sa mga sakramento, patuloy tayong nakararanas ng mapagligtas na grasya na binabahagi sa atin ni Jesus. Manatili tayo sa kanya tulad ng pananatili niya sa Ama upang makatahak tayo sa daan ng banal na buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023