Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.”
Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
“Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
Sa Piyesta ng Pagtatalaga sa Templo, ginugunita ang pagbabalik ng Panginoon sa kanyang templo matapos itong masira ni Haring Antiochus Epiphanes, hari ng Syria. Dito ay pinapakita ni Jesus na siya ang tahanan ng Diyos. Siya ang templo ng Diyos. Siya at ang Ama ay iisa. Ipinakita niya ito sa kanyang mga pangaral at kahangahangang gawa gaya ng pagpapagaling ng may sakit sa Araw ng Pahinga, na siyang araw para sa Diyos. Nagtungo siya sa Jerusalem upang ipahayag na ang kanyang katawan ang Templo na gigibain ay muling itatayo sa ikatlong araw. Sa panahon ng Paskuwa, sa huling hapunan, inihain niya ang kanyang sarili na siyang maging sakripisyo. Lahat ng ito’y nagpapahayag ng pagiging isa ni Jesus at ng Ama. Tayo ri’y kabahagi ng pagiging templong ito sa pamamagitan ng ating binyag kung saan nakibahagi tayo sa Katawan ni Jesus, sa bayan ng Diyos at sa templo ng Espiritu Santo. Samakatuwid, tayo rin ay kaisa sa buhay at komunidad ng Banal na Santatlo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023