Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinu-kuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, nilikha niya ang lahat – ang sanlibutan, kalikasan at ang tao na Kanyang kawangis. Dahil sa dakilang pag-ibig, binigyan niya ang tao ng kalayaan sa pagpili. Itinalaga rin niya ang tao na maging katiwala ng sangnilikha. Subalit inabuso ang kabutihan ng Panginoon. Ginamit ng tao ang kanyang kalayaan upang suwayin ang kalooban ng Diyos. Nasira ang kalikasan at nawala ang kaayusan. Sinugo niya ang mga propreta upang balaan ang mga tao ngunit hindi sila pinakinggan. Sa kabila ng lahat, hindi tumigil ang Diyos sa pagmamahal. Pinadala niya ang kanyang bugtong na Anak upang maligtas ang lahat ng nilikha ng Diyos sa pag-aalay ng Kanyang sarili, na siyang dakilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Tanggapin natin si Jesus sa ating buhay upang tayo’y maliwanagan at manumbalik sa ilalim ng grasya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023