Ebanghelyo: Juan 3:7b-15
Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”
Sumagot sa kanya si Nicodemo: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito?
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n’yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit mali ban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
Pagninilay
Madalas sabihan ng mga matatanda ang mga kabataan, “Papunta ka pa lang, pabalik na ako.” Naranasan na nila ang mga bagay na hindi pa napagdadaanan ng mga kabataan na nagsisimula pa lang ng kanilang paglalakbay sa buhay. Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit…” Si Jesus ang Anak ng Diyos na pinadala mula sa langit at naging tao upang ipabatid kung ano ang marapat gawin ng tao bilang tugon sa tawag ng pag-ibig ng Diyos. Kay Jesus, ating napagtanto ang marapat na pamumuhay upang matamo ang Kaharian ng Diyos. Sa ating buhay paglalakbay, patu loy ang paggabay ng Espiritu Santo tulad ng pag-ihip ng hangin na magdadala sa atin patungo sa Kaharian ng Diyos. Hilingin natin na liwanagan tayo ni Jesus at gabayan ng Espiritu Santo sa tuwina upang sa katapusan ng ating paglalakbay sa mundo, matagpuan natin ang makalangit na Kaharian na inihanda para sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023