Ebanghelyo: Lucas 24:13-35*
Nang araw ring iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.
Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?”
Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. (…)
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. (…) At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta.
Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapit hapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila.
At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”
Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Pagninilay
Taglay ang dalamhati at pagkabigo dahil sa nangyari kay Jesus, umuwi pabalik sa Emmaus mula sa Jerusalem ang dalawa sa mga alagad. Sa kanilang pag-uwi, bumalik din sila sa dati nilang buhay bago sila naging alagad ni Jesus. Narinig na nila ang balitang nabuhay muli si Jesus ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pagalis sapagkat di pa nila ito napatunayan sa kanilang sarili. Tulad ni Maria Magdalena, hindi rin nila nakilala si Jesus na nagpakita at naglakad kasama nila. Nag-usap-usap sila tungkol sa mga nasulat kay Jesus ngunit dahil sa kanilang labis na lungkot, di rin nila ito lubos na naunawaan hanggang sa oras na ng paghahati-hati ng tinapay sa hapunan. Nag-alab ang kanilang mga puso at bumalik sila sa Jerusalem upang ipahayag na tunay ngang muling nabuhay si Jesus. Sa paghahati-hati ng tinapay at ang pagtanggap natin dito sa Banal na Misa, mag-alab nawa ang ating mga puso at buong galak tayong magbahagi ng mensahe ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023