Ebanghelyo: Mateo 28:8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.
Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punongpari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
Kahit may takot, tumakbong may galak ang dalawang babae upang ibahagi sa mga alagad ang mabuting balita. Samantala, nagtipon naman ang mga punong-pari at mga matatanda ng bayan at nagplanong gumawa ng kuwento na hindi totoong muling nabuhay si Jesus. Ang kasinungalingang ito ay kalat pa rin hanggang ngayon. Marami pa ring mga tao ang hindi tumatanggap sa mensahe ng Muling Pagkabuhay – na muling nabuhay si Jesus at siya ang Anak ng Diyos at mismong Diyos. Para sa ating mga tumanggap sa mensahe ng Muling Pagkabuhay at naniniwalang si Jesus ay Anak ng Diyos, tayo’y may atas na patuloy na ipahayag ang mensaheng ito. Magiging mas makahulugan ang ating pagiging binyagan sa ating pagsaksi kay Jesus na muling nabuhay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang liwanag at pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023