Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at ta tawagin siyang Anak ng Kataas taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Ipinagdiriwang ng Sim bahan ang Solemnidad ng Immaculada Concepcion, si Santa Maria ay ipinangak na walang bahid ng kasalanan. Dahil dito, kinilala siya ng anghel na “puno ng grasya”. Ipinapahiwatig nito na ang tao’y magiging puno ng grasya kung siya’y mananatiling immaculada, o walang bahid ng kasalanan. Pinili ng Diyos si Maria na maging ina ng kanyang bugtong na Anak kaya kalooban niya na si Maria’y manatiling walang bahid ng kasalanan mula pa sa umpisa. Ganito rin ang kalooban ng Diyos para sa ating mga binyagan. Sa binyag, nililinis tayo sa pagkakasala upang manatili tayo sa grasya ng Diyos. Kahit magkasala tayo, nariyan pa rin ang sakramento ng Kumpisal kung saan binibigyan tayo nang pagkakataong maging malinis at manumbalik sa grasya ng Diyos sa pamamaraan ng pagsisisi at pagbabago. Dahil sa pananatili ni Mariang walang bahid ng kasalanan at pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos, sinuklian siya na makibahagi sa kapurihan sa langit ng Kanyang Anak. Nawa’y pagsumikapan natin g iwasan ang pagkakasala upang makibahagi tayo sa kapurihan sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023