Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nag sasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
Paano makapapasok sa Kaharian ng Diyos? Sa Ebanghelyo, binibigyan tayo ni Jesus ng tugon sa tanong na ito. “Kung sinong tumutupad sa kalooban ng Diyos Ama, siya ang makakapasok sa Kaharian ng langit.” Hindi lamang sapat ang pagbanggit sa pangalan ng Panginoon, nanga nga i langan din ng pakikinig sa kanyang mga salita. Na kay Jesus ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Si Jesus, ang salitang nagpakatao, ay nagbibigay sa atin nang malinaw na aral kung paano ang pagpasok sa kaharian sa langit. Nawa, ang kanyang mga salita ang maging gabay natin upang tayo’y magpatuloy sa paglalakbay patungo sa kalooban ng Diyos – sa Kanyang kaharian. Ang pananalig natin sa Panginoon ay magiging busilak kung ito’y nakaugat sa mga salita ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023