Ebanghelyo: Lucas 11:14-23
Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahatihati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga de monyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kan yang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pagaari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ariarian.
Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
Pagninilay
Marami ng pagkakahatihati na naganap sa mundo ngayon. Nagkakawatakwatak ang mga tao sa iba’tibang dahilan tulad ng ideo lohiya, pulitika, kultura, paniniwala, turo, at dahil na rin sa interes ng ilan na papaniwalain at pasunurin ang iba sa kanila. Dahil dito’y merong kompetisyon at tunggalian, dahilan kung bakit mahirap makamit ang kapayapaan at katarungan sa mundo. Maging sa loob ng pamilya ay may mga dibisyon na ang madalas na dahilan ay ang yaman at ariarian. Marami ang di nakakaunawa na ang mga ito ay lumilipas gaya ng makamundong bagay, ideolohiya at mga kagustuhan ng tao. Nalilimutan na ng tao na ang lahat ay galing sa Diyos at magbabalik sa Diyos. Ito ang dahilan sa pagparito ni Jesus, na tayo’y makaisa Niya, at sa Kanya’y tahakin ang landas ng pagkakaisa patungo sa Diyos na siyang sa ati’y lumikha. Kung si Jesus ang naghahari sa atin, makakabuo tayo ng isang mundo na tanda ng makalangit na kahariang inaasam natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023