Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalangbisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Sa Lumang Tipan, sukatan ng pagiging matuwid at tapat sa Diyos ang pagsunod sa batas. Kung ang isang tao’y palaging sumusunod sa batas, isa siyang mabuti at matuwid na tao. Ngunit sa pagdating ni Jesus, naging mas malalim ang batayan ng pagiging matuwid at tapat. Ito’y hindi na lamang tungkol sa pagsunod sa batas kundi ang relasyon kay Jesus – ang Diyos na nagpakatao upang ating makita ang mukha ng pag-ibig ng Diyos. Si Jesus ang katuparan ng tinuran ng mga propeta at ng mga nasulat sa batas. Sa pamamagitan ng kanyang pagpapakatao, nabatid natin ang dapat gawin sa pagtugon sa Diyos na tumatawag sa atin. Nakita natin kay Jesus paano sundin ang mga batas at ang daan patungo sa kaharian ng langit. Lumapit tayo kay Jesus at palalimin ang pagkilala at relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsaksi sa kanyang mga aral at halimbawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023