Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinu bukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pagiisip. Ito ang una at pina kamahalagang utos. Ngunit may ika lawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Ang pagsunod sa mga batas ay kadalasang nakatuon lamang sa mga titik nito. Hindi mainam ang ganitong uri ng pagsunod, sapagkat darating ang panahong mapapagod lamang din tayo. Ang isang taong pinili ang buhay may asawa, kung ito’y mula sa pag-ibig, mananatili siya sa kanyang sinumpaan. Ngunit kung hindi bukal sa kalooban ang kanyang pagpili, hindi siya mananatili at maaaring darating ang panahon ng panghihina at pagtalikod sa mga pagsubok at paghihirap. Ganito rin ang bokasyon sa pagpapari o relihiyoso. Kung ang isang pari o relihiyoso’y tumugon sa tawag ng Panginoon at pinili ang pagtahak sa bokasyong ito, mananatili siya sa kanyang paghahandog ng sarili sa paglilingkod sa Diyos at sambayanan. Kahit anong bokasyon sa buhay piliin, mananatili tayo kung ito’y nagmumula sa kaibuturan ng puso. Ang tunay na pag-ibig ng Diyos ay nag-uudyok sa atin sa pag-aalay nang may sariling kakayahang pumili. Kung pag-ibig ang ating ipinapamalas, hindi ito dahil sa mga titik ng batas. Ito’y nagmumula sa kabusilakan ng puso at isipan, at naipapamalas sa ating ugnayan at pakikibahagi sa atin kapwa-tao. Hindi maaaring ipaghiwalay ang pag-ibig ng Diyos at pag-ibig sa ating kapwa-tao. Winika ni Jesus na kung ano ang ating ginagawa sa iba, lalo na sa lubos na nangangailangan, ganito rin ang ginagawa natin sa kanya. Ito’y hindi ito maisasakatuparan kung hindi natin kikilalanin ang bawat isa na una nang minahal ng Panginoon. Sa ating pagkilala bilang mga minamahal ng Diyos, nawa’y mahalin din natin ang kapwa tulad ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023